Barya: Malikhaing Pagsusulat

Barya

ni McJulez


Malikhaing Pagsusulat

Malikhaing Pagsusulat
Sa mundong ating ginagalawan, may mga bagay na sadya namang napakamisteryoso. Minsan ay hindi maipipinta sa mukha ng bawat tao ang totoong nararamdaman nila. Kung ano ang kanilang nararamdaman ay siyang kabaliktaran ng kanilang ipinapakitang emosyon.
Sa daan na kung saan ay maraming kalat. Sa daan na kung saan ay nagkakaroon ng polusyon sa hangin dahil sa maraming sasakyan. Sa daan na kung saan ang ilan ay walang pakialam. 
Patuloy lang ang paglakad ng mga tao, hindi pinapansin ang isang bagay na kahit kumikinang ay hindi kayang bigyang pansin dahil sa kaliitan.
Ang ibang tao nga naman, ayaw nila sa mga maliliit na bagay.
Ngunit kapag nakarinig naman ng kahit walang katuturan na balita sa daan, aba'y daig pa ang mga News reporters. Agad pupuntahan ang kinaroroonan ng balita. Pagkatapos ay gagawa ng kani-kanilang bersiyon sa nangyari. Mga chismosa nga naman.
Pero kapag ating iisipin, ang isang bagay na hindi binibigyang importansiya ay siya pang magbibigay aral sa iyo na sa mundong ating ginagalawan:
"Hindi masaya ang mag-isa lamang."
Walang karamay...
Walang magliligtas sa gitna ng gulo...
Walang masasandagan...
Hinahayaang tapak-tapakan lamang ng ilan...
Ganito ba talaga ang buhay ng isang mumunting nilalang?
...ng isang mumunting bagay?

Kaya mag-isip ka na aking kaibigan habang hindi pa huli ang lahat.
Huwag mong hayaang tangayin ka ng hangin sa himpapawid at hahayaang mahulog sa gitna ng kawalan.
Kulang pa ang mga galos na aking natatanggap.
Gusto kong umiyak ngunit walang lumalabas kahit isang butil ng luha lamang.
Kulang pa ang pakiramdam na inaapak-apakan ka lamang ng ilan.
Gusto kong umiyak ngunit walang lumalabas kahit isang butil ng luha lamang.
Kulang pa ang hapdi at kirot na siyang aking nararamdaman. 
Gusto ko talagang umiyak ngunit walang lumalabas kahit isang butil ng luha lamang. 
Sapagkat kulang pa, kulang pa ang lahat ng aking naranasan.
Gusto ko lamang naman ng isang kasama.
Isang kasama na siyang magbibigay kulay sa mundo kong puno ng hirap at pasakit.
Oo, kulang pa lahat iyon para lamang mapansin niyo ako.
Masakit sa damdamin ang pagiging maliit lamang na bagay.
Ngunit kahit isang barya lamang na ihagis mo papunta sa aking tabi, magiging masaya na ako.
Oo, isa akong barya na nabitiwan mo sa daan.
Isang baryang inaapak-akan mo at ng ilan.
Ito ang buhay ko at ngayong nalaman mo na ito, sana nama'y ingatan mo na ang iba pang barya na nasa iyo. Dahil hindi masaya ang nag-iisa. Dahil ang bawat maliit na barya ay may MALAKING HALAGA.
Malikhaing Pagsusulat | HUMSS

McJulez

McJulez is a passionate writer who loves making concise summaries, sharing valuable notes, and talking about new insights. With a background in campus journalism and a commitment to delivering experienced and reliable content, McJulez is dedicated to making this platform a community of learning and connection. facebook twitter pinterest

1 Comments

  1. Ang galing naman po. Sana makagawa rin ng naito hehez.

    ReplyDelete
Previous Post Next Post