Sa paglikha ng mga sulatin, may isang bagay na namumukod-tangi. Ang bagay na ito ay ang kakayahang maglakbay gamit ang ating imahinasyon. Sa ating pagiging malikhain, hindi natin napapansin na nakakagawa tayo ng mga sulating tunay na maganda at kapupulutan ng magagandang impluwensiya.
Sa kabilang banda, ano nga ba ang pinagkaiba ng malikhaing pagsusulat sa iba pang uri ng sulatin? Meron din bang pagkakatulad ang mga ito? Ang lahat ng ito ay ating tatalakayin ngayon.
{tocify} $title={Table of Contents}
Panimula
Alam natin na ang pagsusulat ay isang paraan ng paglalakbay gamit ang ating isipan at natatanging kakayahan. Naipapahayag natin ang ating mga saloobin, maging ang ating mga ideya at karanasan.
Sa bawat uri ng pagsulat, mayroong tayong tinatawag na iba't ibang layunin at estilo. At ngayon ay ating pag-uusapan ang ilan sa mga ito.
Ano Ang Malikhaing Pagsulat
Ang malikhaing pagsulat ay isang uri ng pagsusulat na may layuning lumikha ng mga akdang puno ng malarosas na mga salita, o di kaya nama'y mga palaisipan. Sa pamagat pa nga lang minsan ay mahihikayat na ang mga mambabasa.
Maaari itong maging tula, maikling kuwento,o iba pang sulatin na talagang nagpapalawak sa imahinasyon at kaisipan ng may-akda.
Sa malikhaing pagsulat, karaniwang gumagamit ang manunulat ng mga elemento kagaya ng mga simbolismo na naglalarawan sa isang bagay.
Madalas ding hinahaluan nga mga salitang may tayutay upang mas maipabatid ang malalim na emosyon na siyang nais iparating ng isang manunulat sa kaniyang mga mambabasa.
Sa madaling salita ay malaya ang manunulat na isaad ang kaniyang nararamdaman gamit ang kaniyang imahinasyon.
Pagkakatulad at Pagkakaiba ng Malikhaing Pagsulat at Teknikal na Pagsulat
Parehong uri ng pagsulat ang malikhain at teknikal na pagsulat. Ang mga ito ay nagsisilbi rin bilang isang paraan ng pakikipagkomunikasyon.
Gayunpaman, mayroon ding pagkakaiba ang dalawang ito. Una ay sa paggamit ng mga salita. Pangalawa ang layunin nila. Sa malikhaing pagsulat, gumagamit ang may-akda ng mga matatalinhagang salita. Layunin din nitong magbigay ng malikhain at emosyonal na karanasan.
Sa kabilang banda, mas pormal ang mga salitang ginagamit ng awtor. Dagdag pa diyo ay layunin nitong magbigay ng malinaw at tiyak na impormasyon sa bawat mambabasa.
Pagkakatulad at Pagkakaiba ng Malikhaing Pagsulat at Propesyonal na Pagsulat
Maliban sa pagiging uri ng pagsulat, ang malikhain at propesyonal na pagsulat ay pareho ring isinasaalang-alang ang paggamit ng wastong balarila o gramatika.
Sa kabilang banda, naiiba ang malikhaing pagsulat sa paggamit ng malayang pag-iisip upang mabuo ang isang sulatin. Mararamdaman din dito ang emosyon ng sumulat.
Ang propesyonal na pagsulat naman ay gumagamit ng mas pormal at teknikal na bokabularyo. Ang bawat pangungusap ay malinaw sa mga mambabasa.
Pagkakatulad at Pagkakaiba ng Malikhaing Pagsulat at Akademikong Pagsulat
Ang malikhaing pagsulat at akademikong pagsulat ay parehong may layunin na maghatid ng impormasyon at ideya. Ginagamitan din ang dalawa ng wastong gramatika upang maunawaan ang gusto nilang iparating sa madla.
Sa malikhaing pagsulat, ang isa sa layunin nito ay ang maghatid ng karanasan sa masining na paraan.
Samantala, ang akademikong pagsulat ay naglalayong magbigay ng kaalaman at impormasyon. Mas nakakakumbinse ang mga sulating ito sapagkat nilalagyan ito ng mga datos at mga solid na argumento na siyang sumusuporta sa mga kaisipang binanggit.
Pangwakas
Sa malikhaing pagsusulat, tunay na may kalayaan tayong i-express ang ating sarili at maging ang ating mga imahinasyon, saloobin, at nararamdaman.
Bagama't may kaniya-kaniya tayong estilo, may isang bagay pa rin na magkakatulad tayo-ito ang ating pagiging malikhain.
Junior High School Notes