Kahulugan ng Sanaysay, Mga Uri nito at Mga Paksang Pwedeng Sulatin

Sa ating pag-aaral, maliban sa pagbabasa ay natututunan rin nating magsulat ng iba't-ibang klase. Isa na dito ang sanaysay na isang uri ng sulatin kung saan ay may iba't iba ring tangka o layunin.

Sa artikulong ito, atin ngayong sasagutin kung ano nga ba ang ibig sabihin ng sanaysay. Bibigyan din natin ng kulay ang kasaysayan nito at hihimayin natin ang iba't ibang uri nito. Pagkatapos ay matutunghayan din ang iba't ibang paksa na pwedeng sulatin ayon sa uri ng sanaysay na gusto natin.

{tocify} $title={Table of Contents}

Ano ang sanaysay?

Ano ang sanaysay?

Ang sanaysay o essay sa wikang Ingles, ay isang sulatin kung saan ang manunulat ay nagpapahayag ng kaniyang mga pananaw tungkol sa iba’t ibang mga isyu at paksa.

Nabuo ang salitang ito matapos pagdugtungin ang dalawang salita na "sanay" at "salaysay."

Madalas na sinusulat ng may-akda ang kaniyang mga obserbasyon, kuro-kuro at saloobin sa kaniyang sanaysay gamit ang anyong prosa.

Kung ating hihimayin ang depenisyon na binigay ng isang sikat na Pilipinong manunulat na si Alejandro G. Abadilla, ang sanaysay ay “nakasulat na karansan ng isang sanay sa pagsasalaysay.

Ano ang kasaysayan ng sanaysay sa Pilipinas?


Ang mga sanaysay sa panahon ng Kastila ay nakasentro sa mga usaping patungkol sa relihiyon. Ginamit ito bilang isa sa mga instrumento ng pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa bansa.

Ang mga sanaysay naman noong ika-19 na siglo ay nagpa-usbong ng pambansang kamalayan at kamulatan. Isang salik ito na nagpa-usbong sa damdaming nasyonalismo ng mga Pilipino. Sa panahong ito, ang mga sikat na manunulat ay sina Dr. Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena, at marami pang iba. 

Ang mga sanaysay noong panahon ng Amerikano ay mas naging mas malawak at malalim. Naging sentro ng paksa ang iba't ibang isyu ng lipunan pati na rin ang pulitika.

Sa kasalukuyang panahon, ang sanaysay ay naging instrumento upang ilarawan ang iba't ibang aspeto ng buhay at karanasan nating mga Pilipino. Madalas ding magkaroon ng mga patimpalak kung saan ay kasali ang sanaysay sa mga kategorya.


Ano-ano ang mga uri ng sanaysay?

Ang sanaysay ay may iba't ibang uri din at ang mga ito ay ipinaliwanag sa mga susunod na talata.

Sanaysay na Pormal

Ito ay naglalaman ng seryosong paksa na isinulat sa tradisyonal na anyo at estruktura. Dumaan din ito sa pananaliksik para mas may kredibilidad ito.

Sanaysay na Impormal

Ito naman ang kabaliktaran ng pormal na sanaysay. Mahihinuha dito ang personal na katauhan ng awtor. Para bang kinakausap lang nito ang kaniyang mga mambabasa.

Sanaysay na Personal

Ang personal na sanaysay ay tumutukoy sa paglalantad at paglalahad ng sariling kaisipa tungkol sa isang paksa o usapin na pinili ng awtor.

Sanaysay na Persweysiv

Layunin ng sanaysay na ito na kumbinsihin ang mga mambabasa patungkol sa isang bagay o usapin. Ginagamitan ito ng mga salitang pwedeng maka-impluwensiya sa mga mambabasa dahil sa mga argumento at ebidensya na nakapaloob dito.

Sanaysay na Deskriptibo

Ang sanaysay namang ito ay gumagamit ng mga detalye upang ipaalam ang sitwasyon. Binibigyang linaw nito ang isang larawan o 'di kaya ay mga bagay, karanasan, lugar, at pati na rin tayo.

Sanaysay na Naratibo

Tumutukoy ang uring ito ng sanaysay sa paglalahad ng karanasan ng isang tao. Ang mga pangyayaring inilahad ay maayos ang pagkakasunod-sunod.

Mga Bahagi ng Sanaysay

Ang sanaysay ay binubuo ng tatlong bahagi at ito ay ang panimula, katawan, at wakas. 

Panimula

Sa parteng ito binibigyan ang paksang tatalakayin ng pakilala sa pamamagitan ng paggamit ng malinaw na paglalahad. Layunin ng parteng ito na akitin at kunin ang atensyon ng mambabasa para ipagpatuloy niya ang pagbasa sa mga susunod pang talata.

Katawan

Matatagpuan ang kabuuang nilalaman ng sanaysay sa parteng ito. Ang mga kaisipan at mga ideya na sumasagot sa mga inilahad na tanong sa simula ay mas binibigyang linaw dito. Naglalaman din ito ng mga konkretong impormasyon na sinusuportahan ng mga ebidensya.

Wakas

Sa parteng ito sinasara ang diskusyong tinalakay sa katawan ng sanaysay. Kumbaga, ito ang pinakakonklusyon na bahagi kung saan tinatapos ng may-akda ang naturang sulatin.

Elemento ng Sanaysay

May tinatawag ding elemento ang sanaysay at ito ay binubuo rin ng tema at nilalaman, anyo at estruktura, at ang panghuli ay ang wika at estilo.

Tema at Nilalaman

Dito iikot ang kabuuang nilalaman ng sinusulat na sanaynay. 

Anyo at estruktura

Sa madaling salita, ito 'yung tatlong bahagi na nabanggit kanina. Mahalaga ito sapagkat isa ito sa mga bagay kung saan nakasalalay ang sanaysay.

Wika at Estilo

Isa itong mahalagang instrumento upang maging epektibo ang pagkakalahad ng komposisyon ng manunulat. Hindi kailangan na maging teknikal masyado ang mga gagamiting salita. Ang pinakaimportante ay dapat nauunawaan ito ng mga mambabasa.

Mga Halimbawa ng Sanaysay

Ang ilang halimbawa ng sanaysay ay aking nilista sa baba:
  • Paglalakbay ng Puso
  • Sa Ilalim ng Unos ng Damdamin
  • Pamilyang Pilipino: Haligi ng Lipunan at Pagkakakilanlan
  • Pagmamahal at Pasasalamat sa Pamilya
  • Liwanag sa Dilim: Pag-usbong sa Kabila ng Kahirapan
  • Ang Bawat Patak ng Luha't Pawis


Mga Paksang Pwedeng Sulatin

Ang magandang sulatan ng sanaysay ay ang mga bagay na napapanahon. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod.

Tungkol sa Pag-ibig

Marahil ay naranasan mo na ring umibig. Hindi ba't nakakakilig? Ang mga karanasan mong iyan ay pwede mong gamitin para sa paggawa ng mga sanaysay tungkol sa pag-ibig.

Tungkol sa Pamilya

Ang ating pamilya ang siyang nagbibigay ng lakas sa atin at ng marami pang bagay kung kayat maganda ring gawin itong sentro ng paksa.

Tungkol sa Kahirapan

Bagama't madalas itong maging paksa, hindi ito naluluma. Patuloy pa rin itong pinag-uusapan sapagkat talamak pa rin ito sa ating bansa.

Tungkol sa Kaibigan

Magandang gawin bilang paksa ang ating mga kaibigan sapagkat marami talaga tayo maisasalaysay dito.

Tungkol sa Kalikasan

Ang ating kalikasan ay punong-puno ng mga bagay na talagang nagbibigay sa atin ng mga ideya na pwedeng magamit sa pagsusulat ng sanaysay.

Konklusyon

Sa pagsusulat ng sanaysay, naipapahayag natin ang mga bagay na nais nating sabihin. Tunay na nasa atin ang desisyon kung paano natin ito isusulat at pagagandahin kaya't hangga't maaari ay maging daan din sana ito upang tayo'y umusbong pa.

Sa kabuuan, masasabi natin na ang sanaysay ay hindi lamang isang mahalagang anyo ng panitikan. Ito rin ay isang magandang instrumento upang iparating ang nilalaman ng ating isipan na siyang pwedeng maging inspirasyon sa iba.

JHS Junior High School Notes

Frequently Asked Questions (FAQs)

Anu-ano ang iba't ibang uri ng sanaysay?
Ang iba't ibang uri ng sanaysay ay ang pormal na sanaysay, impormal na sanaysay, personal na sanaysay, persweysiv na sanaysay, at marami pang iba.
Paano nagsisimula ang pagsulat ng sanaysay?
Nagsisimula ang pagsulat ng sanaysay sa pagpili ng paksang susulatin
Ano ang mga mahahalagang bahagi ng isang sanaysay?
Ang mga bahaging ito ay ang simula, katawan, at wakas.
Paano nakakaapekto ang mga sanaysay sa ating lipunan?
Nakakaapekto ito sa maraming bagay. Isa na dito ang pagpapalaganap ng kaalaman kung saan nagiging daan ito para sa mas malawak na kamalayan at pag-unawa.
Ano-ano ang mga elemento ng sanaysay?
Ang mga elemento ng saysay ay binubuo ng tema at nilalaman, anyo at estruktura, at ang panghuli ay ang wika at estilo.
Magbigay ng halimbawa ng sanaysay.
Ang isang halimbawa nito na pwede mong gawan ng sanaysay ay "Liwanag sa Dilim: Pag-usbong sa Kabila ng Kahirapan."

McJulez

McJulez is a passionate writer who loves making concise summaries, sharing valuable notes, and talking about new insights. With a background in campus journalism and a commitment to delivering experienced and reliable content, McJulez is dedicated to making this platform a community of learning and connection. facebook twitter pinterest

Post a Comment

Previous Post Next Post