Kahulugan ng Tula, Mga Elemento at Halimbawa nito

Ano ang Tula? Mga Uri, Elemento at Halimbawa Nito

Sa pagpapahayag ng ideya at damdamin, may natatanging paraan na naglalayong dagdagan ang kulay at nilalaman nito. Ito ay walang iba kung hindi ang tula.

Ati ngayong pag-uusapan kung ano nga ba ang tula pati na rin ang mge elemento nito at ilang halimbawa. 

{tocify} $title={Table of Contents}

Ano ang tula

Ano ang tula?

Ang tula ay isang uri ng panitikan kung saan ay pinapahayag ang damdamin at mga ideya gamit ang mga salita sa paraang may tugma, free verse o malayang taludturan, at marami pang iba.

Ang tula ay kilala sa tawag na poem sa wikang Ingles. Bilang karagdagan, ginagamit ng mga manunula o makata ang tula para ilahad ang kanilang mga saloobin, karanasan, o kaisipan sa pamamagitan ng mga salitang mabulaklak o matatalinhaga.

Ang mga tula ay maaaring maikli o mahaba. Nagpapahayag din ito ng iba't ibang emosyon at kadalasang nagpapakita ng estilo sa pagpili ng mga salitang ginamit.

Basahin din: 

Ng at NangTayutaySalawikainBugtongPalaisipanBulong, Alamat, Epiko


Advertisement

Ipagpatuloy ang pagbabasa


Mga Elemento ng Tula

1. Anyo

Tradisyonal 

Ang mga tradisyonal na tula ay may sinusunod na sukat, tugma, at saknong. Ang ilang ilang halimbawa ay mga Haiku, Tanaga, at iba pa.

Ano ang Haiku?

Ang haiku ay maikli lamang. Ang tulang ito ay binubuo ng labinpitong pantig na nahahati sa tatlong taludturan.

Ang una at ikatlong taludtod ay binubuo ng limang pantig. Ang gitnang taludtod naman ay binubuo ng pitong pantig. Sa makatuwid, ang haiku ay may sukat na 5-7-5. 


Ano ang Tanaga?

Ang tanaga ay katutubong tula ng mga Pilipino na nagbibigay aral lalo na sa mga kabataan.

Ang tanaga ay binubuo ng isang saknong lamang ngunit ito ay may apat na taludtod. Sa bawat taludtod ay may pitong pantig. Kumbaga, ang tanaga ay may sukat na 7-7-7-7.


Malayang Taludturan (Free Verse) 

Sa malayang taludturan, walang sinusunod na sukat o tugma. Ang manunulat ay may kalayaan sa pagpili at paggawa ng kaniyang tula. 

Dito, malaya kang isulat ang alin mang salita kahit hindi tumutugma ang tunog o sukat sa mga mas naunang taludtod.

2. Persona

Ang persona ay tumutukoy sa nagsasalita sa tula. Maaari itong nasa point of view ng mismong manunulat o 'di kaya'y nasa point of view ng ibang katauhan.

3. Saknong

Ang saknong ay binubuo ng mga linya o taludtod kung tawagin. Ang bawat saknong ay maaaring binubuo ng dalawa o higat pang taludtod.

4. Sukat

Ang sukat ay nagpapahiwatig sa bilang ng pantig na meron sa bawat taludtod ng tula. Pwede itong magkaroon ng walong pantig kada linya, o 'di kaya nama'y sampu sa bawat taludtod. Maari ding iba pang bila at ito'y nakadepende sa manunulat.

5. Talinhaga

Ang talinhaga ay tumutukoy sa paggamit ng mga salitang nagpapahiwatig ng mga matatalinhagang pahayag. Ang isang halimbawa ay ang tayutay na naglalayong pagandahin ang daloy ng tula at pukawin ang imahinasyon ng mga mambabasa. 

Basahin din: Tayutay

6. Tugma

Ang tugma ay tumutukoy sa magkakaparehong tunog ng mga huling pantig sa bawat taludtod ng isang tula. Ang tugma ay tila alon ng mga melodiya na nagbibigay kulay sa tula.

Sa sulating ito, nais ko ring ihandog sa inyo ang ginawa kong piyesa. Bagama't akin itong ibinahagi sa inyo, nais ko lang ipaalala na hindi niyo ito pwedeng kopyahin o gamitin sa anumang paraan. Pero kung gagamitin naman ito bilang inspirasyon, pwede naman basta magbigay lamang ng proper credits.

Bago ang lahat, ang naibigay na instruksiyon ay ang sumusunod:

Maglahad ng kaunting impormasyon tungkol sa inyong sarili sa pamamagitan ng malikhaing paraan ng pagsusulat. Maaaring tula, sanaysay, awit atbp.


Advertisement

Ipagpatuloy ang pagbabasa


Mga Halimbawa ng Tula

1. Tula tungkol sa Sarili

Hindi Matitinag

Malakas ang ulan noong ako’y isinilang
Katanda-tanda ito kaya Mark ang ipinangalan
Ang buwan noon ay Hulyo at ito’y dinagdagan
Kung pagsasamahin, Mark Julius ang mabubuong pangalan.

Ako'y ipinanganak noong taong dalawang libo’t isa
May bagyo noon at ito’y kilala bilang bagyong Ferya
Ako ngayo’y dalawampu’t isang taong gulang na
At sa kasalukuyan ay sa probinsiya ng Ilocos nakatira.

Ang aking mga magulang ay sina ________.
Ang aking ina ay simpleng maybahay at helper naman ang aking ama
Sa apat na magkakapatid, ako ang pangalawa
Mahirap man kami pero nagmamahalan at nagkakaisa.

Mahiyahin man kung ako’y pagmamasdan
Pero ako’y marunong ding makisama naman
Hindi man ako sikat kagaya ng ilan
Meron din naman akong talento at angking katalinuhan.

Mahilig din po pala akong magbasa
Minsan nagsusulat din ng mga tula
Minsan naglalaro rin ako ng mobile games sa aming sala
At minsan naman ay nanonood ng pelikula.

Ang kursong Accountancy ang aking pinili
Sapagkat simula bata, ito na ang gusto ko paglaki
Ang titulong CPA ay siyang aking minimithi
Kay gandang pangarap at talagang namumukod-tangi.

Kagaya ng titanium, hindi ako basta-basta natutumba
Hindi matutupok kahit ilang bala pa ng pagsubok ang tumama
Sapagkat ako ay naniniwala at nananampalataya sa Panginoon
Siya ang nagbibigay ng lakas, tapang at determinasyon.

Muli, ako po si Mark Julius, matapang at totoo
Para sa pangarap, ako’y mananatiling malakas at nakatayo
Haharangin lahat ng bumubulusok na bala ng problema sa daan
Titiisin lahat ng hirap para ang tagumpay na hinahangad ay makamtan.

2. Tula tungkol sa Pamilya

May saya't ligaya sa loob ng isang pamilya
May lungkot din, pero makikita pa ring tumatawa
Walang iwanan, laging magkakasama
Walang kapantay dahil ang pamilya ay isang biyaya.

Dumating man ang mga problema
Mananatili pa ring matibay at nakatayo
Kasama sa hirap, lungkot, at saya
Walang iwanan dahil ang pamilya ay isang biyaya.


3. Tula tungkol sa Kaibigan

Isa siyang kaibigan na maituturing
Hindi ka iiwan anuman ang kaniyang marating
Kilala ka pa rin niya kahit mayroon kang problema
Hindi ka tatawanan kung ika'y nadadapa.

Yan ang tunay na kaibigan
Hindi plastik at mangagamit
Parating siyang nariyan
At hindi ka niya ipagpapalit.


4. Tula tungkol sa Kalikasan

Matuto tayong pahalagahan ang kalikasan
Mga kalat ay itapon sa wastong basurahan
Mga plastik ay huwag dapat sunugin
Kalinisan sa bakuran, dapat ding panatilihin.

Mahalin natin ang ating kalikasan
Kagaya ng pagmamahal natin sa ating sarili
Tayo lang ang maaasahan
Kaya kaibigan, mahalin natin ang kalikasan.


5. Tula tungkol sa Pag-ibig

O Pag-ibig, awit ng pusong sumisigaw
Ako ay nainlababo hindi lamang sa iyong kagandahan
Kundi pati na rin sa kabutihan ng iyong puso
Dahil sa mga aspetong iyong, ako'y nahulog sa'yo

Ang mga araw ay tila sintamis ng mansanas
Masilayan ka lamang, ako na'y nagagalak
Sa aking mata, ikaw lang talaga
Sa loob man o sa labas na anyo, tunay kang maganda.


6. Tula tungkol sa Wika

Wika ang nagsisilbing daan sa matiwasay na komunikasyon
Sa mga salita't titik, ating kasaysayan ay nabubuhay din
Ingles man, Filipino, o anong lenggwahe pa ng ibang nasyon
Tunay itong mahalaga kaya't ating pagyamanin.

7. Tula tungkol sa Pangarap

Kay tayog man sa mata ng iba
Para sa akin, ito'y aking makakaya
Lahat titiisin, lahat ay akin ding gagawin
Para ang aking pangarap ay maabot at mapasaakin.

8. Tula para sa Ina

Siya ang pinakamaganda
Pinakamabait rin sa lahat
Tunay siyang maalaga
Pag-ibig niya'y wagas at tapat.

Siya ang aking ina
Siya ang pinakamabuting reyna
Lahat ng bagay ay kaniyang ginagawa
Para lamang sa kaniyang pamilya.

Pangwakas

Ang inyong nabasa ay isa lamang tungkol sa kahulugan ng tula. Atin ding nabasa ang ilang halimbawa nito pagdating sa sarili, pamilya, kaibigan, kalikasan at marami pang iba.

Ito ma'y malikhaing pagpapakilala sa sarili, o simpleng tula para ipahayag ang damdamin, laging tandaan na ang tula ay tunay na nakakakuha ng atensyon at nakakadala ng emosyon.

Kung ikaw ma'y nagalak sa ating talakayan ngayon, masaya ako dahil kahit papaano ay may natutunan kang bago. Dahil diyan, narito ang libreng study planner para sa iyo.

JHS

McJulez

McJulez is a passionate writer who loves making concise summaries, sharing valuable notes, and talking about new insights. With a background in campus journalism and a commitment to delivering experienced and reliable content, McJulez is dedicated to making this platform a community of learning and connection. facebook twitter pinterest

Post a Comment

Previous Post Next Post