Pagkakapareho at Pagkakaiba ng Paraan ng Komunikasyon Noon at Ngayon
Alam natin na ang komunikasyon ay napakahalaga sa ating buhay. Sa pamamagitan nito, tayo ay nagkakaintindihan. Isipin mo na lamang ang mangyayari kung wala ito. Baka kaliwa't kanan ang pag-aaway.
Sa paglipas ng panahon, maraming pagbabago na ang naganap sa paraan ng ating pakikipag-ugnayan. Gayunpaman, mayroon pa ring pagkakapareho.
Pagkakaiba at Pagkakatulad ng Komunikasyon Noon at sa Kasalukuyan.
Unahin natin ang pagkakaiba ng komunikasyon noon at sa kasalukuyan.
Paraan
Sa mga nakalipas na dekada, ang mga tao ay umaasa sa mga sulat, telegrama, at iba pa sa pakikipagkomunikasyon sa mga kaibigan o mahal nila sa buhay na nasa malayo.
Sa kasalukuyang panahon naman, mas maunlad na ang teknolohiya. Mayroon na tayong smartphones, email, at iba't iba pang apps kagaya ng mga social media platforms na maaari nating gamitin sa pakikipagkomunikasyon sa iba kahit nasaang lugar pa sila.
Bilis
Kung bilis lamang din ang pag-uusapan, kapansin-pansin ang pagkakaiba ng pakikipagkomunikayson noon at sa kasalukuyan. Mas mabagal noon kumpara sa ngayon.
Isang halimbawa ang pagpapadala ng sulat. Maaaring tumagal ng ilang araw o linggo bago ito makarating sa tatanggap. Sa kasalukuyan, sa isang pindot lamang ay maari nang makarating ang mensahe sa kahit saang parte pa ng mundo.
Kombenyensya o Convenience
Sa ngayon, hindi maitatangging mas dumali ang pakikipagkomunikasyon dahil marami na sa atin ngayon ang may cellphone at access sa internet.
Personalisasyon
Nostalgic kung tawagin ng iba, ang pagsusulat ng liham ay may kaakibat na personalisasyon. Ang means of communication kasi noon kung nasa malayong lugar pa ang nais maka-usap ay manual na pagsusulat ang ginagawa. Ngayon, bagama't mas mabilis at mas madali, maaaring mawala ang personal touch dahil sa teknolohiya.
Narito naman ang ilang pagkakatulad ng komunikasyon noon at sa kasalukuyan.
Layunin
Hindi maitatanggi na ang pangunahing layunin ng komunikasyon, mula noon hanggang ngayon, ay ang pagpapahayag at pagpapalitan ng impormasyon, ideya, at damdamin sa pagitan ng dalawa o higit pang indibidwal.
Pagkakaroon ng Balakid
Noon man o sa kasalukuyan, may mga hadlang pa rin sa komunikasyon katulad na lamang ng kultural, emosyonal, at mga language barriers kung tawagin sa Ingles. Bagama't may iba't ibang paraan na ginagawa ang mga tao, hindi pa rin ito maiiwasan minsan.
Interpersonal na Ugnayan
Kahit na marami nang teknolohiya ngayon, ang harap-harapang pakikipag-usap o pakikipagkomunikasyon sa ating kapwa ay nananatiling mahalaga at walang kapantay. Mas binubuo at pinapalalim nito ang ugnayan sa pagitan ng mga tao.
Emosyonal na Aspeto
Mula noon, ngayon, at magpakailanman, ang komunikasyon ay isang daan upang maipahayag natin ang ating mga damdamin sa ibang tao. Ito man ay pagmamahal, galit, kalungkutan, o kasiyahan, naipapahayag natin ito sa pamamagitan ng komunikasyon.
Pangwakas
Ating natunghayan sa talakayang ito na bagama't marami nang pagbabago sa paraan ng ating pakikipag-ugnayan o pakikipagkomunikasyon ngayon sa ating kapwa, nananatili pa rin ang pangunahin nitong layunin.
Sa kabuuan, ang komunikasyon ay isang tulay para makipag-ugnayan at makipagpalitan ng impormasyon at damdamin sa iba. Mananatili itong mahalaga sa lahat ng mga susunod pang henerasyon.
SHS | Senior High School Notes